Wednesday, May 4, 2016

Tara?

Tara, sama ka?
Akyatin natin yung mataas na bundok
Magmuni-muni sa tuktok, doon sa isang sulok
Salubungin ang mapagpalang mga ulap
Sa pagitan ng lupa at alapaap
Tayo’y umawit sabay sa hagod ng hangin at mga dahon
Ating sariwain tugtuging napapanahon
Magbaon ka ng maraming kwento
Pwedeng pag-usapan kahit na ano
Kung wala naman ay ayos lang
Atin na lang ibaling mga mata sa kawalan
Pagmasdan ang panandaliang pagtatagpo
Ng makisig na Araw at ng marikit na buwan
Parang nakaw na sandali
Nakakakilig, nais kong tumili
Hintayin nating tumalukob ang dilim sa liwanag
Hanggang sa mga tala ating maaninag
Sa isang iglap, iilawan ang buong kalangitan
Saksi ako, ikaw at tanang sanlibutan.

No comments:

Post a Comment