Bakit ka nga ba naakyat ng bundok?
Siguro nagsawa ka na sa siyudad
o baka trip mo lang subukan na hawakan
ang mga tala sa likod ng mga ulap
doon sa kalawakan.
Marahas na init
Matatalim na tinik
Sumusunog sa iyong balat
Sumusugat sa iyong laman
Habang pataas nang pataas
Tila palalim rin nang palalim
Mga bakas na iniiwan habang ikaw ay paakyat
Di alintana ang hangin, ulan pati kalam ng sikmura
Kasi yung tuktok maabot mo na
Konti na lang, ayan na
Alam mo malapit na
Lahat ng pagal, hingal at uhaw tanggal
Pagdating sa summit
Shit! Tanaw mo ang lahat
Buong mundo
Silang lahat
Hahalik ka sa lupa
Makikipagsayaw ka sa musika ng hangin
Mga ibon iyong kakausapin
Tapos, hihilig ka sa balikat ni Haring Araw
Ipaghehele ka niya hanggang sa ika’y makatulog
At makabawi ng lakas
Hanggang kaya na ng mga binti mo
Ang bumalik sa kapatagan
At umakyat muli ng panibagong bundok.